Saturday, October 17, 2009

Ang Pagkamatay (at Muling Pagkabuhay) ng Musmos na Pangarap

ako

ang agila
na nagnanais kumawala
sa haraya
ng bawat walang muwang na bata

ang magandang musikang
hindi mo maririnig
ngunit hayaan mong kulayan ito
ng aking mga pinsel

ang pakpak
ang pakpak ng pangarap
na napugto
nang ako’y mangahas
na makipagsapalaran sa malayo

ang tula
na isinulat sa puti at bughaw
nang makita ang nakaraan
sa kasalukuyan
at sa darating na hinaharap

ang pag-aasam
na nasa puso ng bawat isa
na isinantabi
sa pagdaan ng mga taon

sa akin na lamang
magugunita
ang bukang-liwayway
kapag ang lahat
ay bumalik sa abo

sa pagbitaw mo sa akin
ako na ang sari-saring kulay
ng puti at itim

No comments:

Post a Comment