Nais kong masilayan
Ang unang pagdilat ng liwanag;
Ang maningning na kahel na humahalo
Sa tumatakas na dilim ng gabi
Nais kong maabot tanaw
Ang unang biyaya ng araw
Sa natutulog na mundo
Nananaginip at walang malay
Nais kong marinig
Ang tinig ng kalikasan
Bumubulong; nakikipagsagupa
Sa maingay na mundo
At hayaan itong maging musika
Ng aking kaluluwa
Nais kong mahimbing
Sa kanlungan ng mga bituin
Sa ilalim ng madilim na kalangitang
Pinagliliwanag
Ng mga libong matang nakamasid
No comments:
Post a Comment